Elsa Who?

Illustration by: Paolo Gardon
Bago ako makarating ng Makati ay kailangan ko munang sumakay ng jeep galing La Salle papuntang Buendia. Pagdating naman sa Buendia ay kailangan ko munang pumila ng isang mahaba at minsan ay matagal para lang makasakay ng FX papunta sa opisina.
Habang nag-aantay ng FX ay nagpapalipas ako ng oras, nakapila, nakikinig ng kung ano anong maiingay na tugtog galing sa trusty old cellphone ko para lang hindi antukin.
Pinagmamasdan ko ang napakaraming taong naglalakad, pipila, nakapila na, nag-aantay ng taxi, nagyoyosi. Mga bibili ng tinapay, shampoo, o corned beef sa malapit na tindahan. Mga barker na nag-aantay rin ng mga parating na FX at van. Mga batang kalye na naglalaro sa daan na animo’y makikipagpatintero sa mga truck at bus. Mga foreigners galing sa katabing hotel na parang wala pang ligo na nag-aabang ng taxi dala ang mga maleta nila (feeling ko pupunta nang airport?). Pinagmamasdan ko rin minsan ang mga plate number ng mga sasakyan, hoping na maka-ispot ako ng TAE-143.
At pinagmamasdan ko ang isang batang babaeng nagbebenta ng sigarilyo sa isang tabi.
Hindi ko alam kung ano ang pangalan niya kaya tatawagin ko nalang siyang Elsa (dahil mukha siyang Elsa). Nakaupo sa isang tabi, katabi ang kahoy na lalagyan ng yosi at kendi. Nakatali ang makapal at mahaba niyang buhok. Damit niya’y parang pinaglumaan na ng panahon. Nagmukhang luma dahil sa polusyon ng Maynila at siguro dahil buong araw lang siyang nasa kalye.
Tahimik siyang nagtitinda ng sigarilyo. Parang laging antok ang mga mata niya, hindi niya maidilat ng maayos (o siguro ganoon lang talaga mga mata niya, chinky eyes?). Siguro mga nasa 15 o 16 ang edad niya. Pero hindi ko rin masabi dahil minsan ay mukha siyang matanda dahil mukhang pagod (early in the morning).
Lagi niyang hawak ang isang maliit na radyo na kulay silver. Minsan ay natapat ako sa kanya habang pumipila at narinig ko siyang nakikinig ng Hit Me Baby One More Time ni Britney Spears. Hindi niya kinakanta pero halata sa mukha niya na aliw na aliw siya sa naririnig niya.
Kayumangging kayumanggi ang balat niya. May mga puti puti sa legs at siko na galing sa kalmot dala siguro ng pagka-dry nito. Habang nakaupo siya sa isang maliit na silya at nakikinig ng radyo ay nilalangaw ang paa niyang may mga sugat sugat, pero hindi niya ito pinapansin.
Isang beses ay naabutan ko siyang may pinulot na plastic na parte ng laruan. Kulay green. Kinuha niya ito’t nilapit sa mukha niya. Inamoy. At tiningnan ulit ng malapitan. Hinimas na para bang napakahiwaga ng nakita niyang parte ng laruan. At saka tinago sa bulsa niya at nakinig na ulit ng radyo.
Kapag may bumibili ng paninda niya ay may mga panahong di niya ganong pinapansin ang taong bumibili. Tinitingnan lang niya saglit, tumatango, at saka babalikan ulit ang radyo niya kahit di pa niya nabibilang kung sakto ang binayad ng mamang bumili ng yosi. May mga araw naman na binibilang niya na parang bigas ang mga barya sa kamay niya, paulit-ulit at detalyado. Nilalapit sa mukha at saka itatago sa lata niya kapag nasigurado na niyang sakto ang bayad para sa yosi o kendi.
Wala siyang kasama. Wala siyang kasama kundi ang radyo niyang buong araw lang tumatalak masamahan lang siya sa isang tabi.
Pagkatapos ng mahabang pila ay sasakay na ako sa FX na biyaheng Makati. At kahapon, habang bumabyahe ako ay naisipan kong sumulat ng isang kwento tungkol sa kanya. Si “Elsa” na hindi ko kilala. Si “Elsa” ng buhay ko na napadaan lang sa harapan ko at nakaupo sa isang tabi na nagbigay sa akin ng isang ideya na siguro mas mas interesado ang buhay niya kesa sakin. Magkaiba man kami ng estado ay hindi ibig sabihing walang saysay ang buhay niya. Malay ko ba kung mas marami na siyang napagdaanan sa buhay kesa sakin. Malay ko ba kung mas matanda na pala siya kesa sakin. Malay ba ng ibang tao kung ano talaga ang tunay niyang pangalan at kung saan galing ang pangalan niya. Malay ba ng mga pumipila sa sakayan kung bakit siya mag-isang nagtitinda sa may Buendia at kung bakit siya laging nakikinig ng radyo. Malay ba nating lahat kung anong meron sa kanya.
Ang alam ko lang ay siguro, sa dinami-dami ng taong dumadaan sa harapan niya, nagmamadaling makasakay, umiiwas sa mainit na sikat ng araw, na ayaw mapawisan o ayaw mahuli sa trabaho, may isang “Elsa” sa na steady lang na nakaupo sa isang tabi, nakikinig sa lumang radyo niya at nag-aantay ng mga bibili ng yosi o kendi. At habang ginagawa niya ang lahat ng ito ay pinagmamasdan rin niya tayong lahat at napapaisip tungkol sa kung anong meron naman sa mga buhay nating lahat.
Malay ba niyang may nagsulat na pala ngayon tungkol sa kanya.
At sa utak niya ay nakangiti siyang nagmamasid sa mga tao. Alam niyang masaya ang mundo niya.

Illustration by: Elli Austria