Strange Bedtime Stories

Payaso

Illustration by: Dondi Fernandez

Once upon a time may isang batang lalaking ang pangalan ay Junjun. Isa siyang bugnutin na bata at mas gustong maglaro mag-isa. Ayaw niyang nakikipaglaro sa ibang mga bata dahil feeling niya lagi siyang aagawan ng laruan. Pag may nakikipaglaro sa kanya sisimangutan niya ito at sisigawan.

“Ayoko makipaglaro sayo, alis!”

Ang madalas lang niyang kasama ay ang yaya niya na masungit rin pero wala namang magawa pag nagmaktol na si Junjun kasi baka magsumbong sa mommy niya, baka mawalan siya ng trabaho. Madalas ay nagrereklamo nalang ng pabulong ang yaya niya.

“Leche talaga tong batang to, nakuuu!!”

Katulad ng mga kwento ng mga mayayamang bata sa pelikula eh, eto si Junjun ay deprived sa atensyon ng mommy at daddy niya. Laging busy sa trabaho at negosyo, palaging may kausap sa telepono, palaging may lakad, palagi siyang iniiwan sa yaya niyang masungit at wala nalang ring ibang ginawa kundi makipagchismisan sa yaya ng kapitbahay niya.

“Ay Linda! Si Bruno, yung guard sa gate? Nag-ismayl sa akin kanina ay!”

Kaya minsan pinagtataguan nalang niya ang yaya niya. Inisip niya kasi baka bagot na bagot na yaya niya, bibigyan naman niya ng bagong gagawin ngayon: ang hanapin siya sa buong village.

Isang araw, habang nakikipagchikahan ang yaya ni Junjun sa yaya ng kapitbahay niya ay naisipan niyang maglaro sa parkeng medyo malayo sa kanila. Walang masyadong pumupunta sa parkeng yun simula ng ginawa yung isang bagong park. Ayaw niya dun sa bagong park. Andaming tao. Andaming bata.

Dala-dala niya ang laruan niyang kotse, tumakbo siya papunta dun sa lumang parke. Lumiko sa right, lumiko sa left, and finally, sa dulo, ay nakita niya ang abandonadong parke. Sa gitna nito ay may isang swing na kinakalawang na at sa tabi nito ay isang lumang see-saw. Maputik ang ilang bahagi ng parke, lagas ang mga damo at may mga malalaking puno.

“Ang sarap dito.”

Sumakay siya sa swing at tinulak ang sarili niya. Kumanta siya ng Rainbow Connection na kanta kahit di naman niya talaga alam ang lyrics ng kanta at nakangiting tumitingin sa mga ulap. Naglaro siya ng kotse-kotse at gumawa ng tunog na “brooom broooooom!!” 

“Psssst. Psssst. Pssssst!”

Napatigil sa paglalaro si Junjun. Narinig niya ng ilang ulit pa ang mga sitsit na yon. Lumingon siya sa right, and left. At nung lumingon siya sa likuran niya ay napasigaw siya.

“Moo moo!!!”

“Shhhh! Bata hindi ako moo moo!”

Kinakabahang tumayo si Junjun ng dahan-dahan na parang bubwelo para tumakbo ng kinausap siya ng isang mamang kakaiba ang itsura. Ang puti ng mukha niya, may mga kolorete at parang laging nakangiti. Malaki ang tyan niya, makulay ang damit, malaki ang mga sapatos at may hawak na mga lobo. Mukha naman siyang mabait na tao. Mukhang maamo.

“Ako si Fargus. Isa akong payaso. Wag kang matakot sakin. Kaibigan ako ng lahat ng mga bata! Nagpapatawa ako, nagmamagic at namimigay ng libreng lobo kapag tumatawa sila sa mga biro ko.”

“Ano ang payaso?”

“Clown.”

“Aaahh.. (nagkunwari nalang siyang alam niya para kunwari ay hindi siya naloloko ng mamang to)”

“Anong ginagawa mo dito mag-isa? Bakit wala kang kasama?”

“Ayoko kasi makipaglaro sa ibang bata kasi baka agawin nila ang laruan ko. At saka ayoko makipaglaro kay yaya, ang sungit niya kasi sakin e.”

“Gusto mo laro nalang tayo?”

“Anong laro?”

“Magmamagic ako!”

“Sige sige! Pero wag mong aagawin laruan ko ha.”

At nagsimula nang magmagic si Fargus. Kung ano-anong mga bagay ang lumalabas sa katawan niya. May kuneho, maraming banderitas, panyo, ibon, ahas, kendi, isdang nasa baso, sandwich, lapis, at isang laruang kotse. Galak na galak si Junjun sa palabas ng payaso at tuwing tumatawa siya ng malakas ang bata ay binibigyan niya ito ng malaking lobo na may iba’t ibang kulay at hugis.

“Gusto mo bang sumama sakin, Junjun?”

“Saan po tayo pupunta?”

“Sa malayo! Sa mga ulap, sa likod ng bundok, sa ilalim ng dagat, kahit saan mong gusto pumunta!”

“Eh wala naman po akong perang pamasahe.”

“Hindi mo kelangan ng pamasahe. Ang mga lobong iyan ang magdadala sayo kung saan mo gustong pumunta.”

“Talaga po?”

“Talagang talaga!”

“Eh kasi po sabi ng mommy ko para daw po ako makapunta sa ibang lugar dapat marami akong pera.”

“Joke lang yan, Junjun.”

“Eh pano po sila mommy at daddy?”

“Wag mo na silang isipin, lagi naman silang wala eh”

“Kung sabagay. Sige sama po ako sa inyo!”

Kinarga ni Fargus si Junjun at kumapit sila pareho sa tali ng mga lobo at pinapikit ng payaso si Junjun.

“Isipin mo lang kung saan mo gustong pumunta at mangyayari yun.”

At ginawa nga ni Junjun. Feeling niya ay mabilis na umikot ang buong mundo at para silang nasa isang sci-fi na pelikula.

Habang naglalakbay sila ay may mga pangyayaring biglang nagflashback sa utak ni Fargus.

Naalala niya ang nanay at tatay niya nung bata pa siya. Naalala niya kung gaano sila kasaya dati. Naalala niya ang ate niya at yung mga panahong naglalaro sila lagi ng habulan at tumbang preso sa labas ng maliit nilang bahay kubo. 

Naalala niya bigla kung paano siya nawala sa gubat at di na nakauwi sa bahay nila kahit kelan at kung paano siya natagpuan ng isang matandang salamangkero na may mahabang balbas at maduming damit. 

Naalala niya kung paano siya natuto magmagic at kung paano siya pinilit ng salamangkerong kalimutan na lamang ang pamilya niya dahil di naman na siya hinahanap.

Naalala niya ang pakiramdam kung paano mawalay sa pamilya niya, at kung paano mangulila sa kanila at ang galit dahil sa paniniwalang hindi na nga siya hinahanap ng mga to at tuluyan na siyang nakalimutan at nagmove on na sa mga buhay nila.

Bitter siya. Tumingin siya kay Junjun. At kinausap niya ang sarili niya.

“Simula ngayon, hindi na ako mag-iisa, lagi na tayong magkasama Junjun, ako na ang mag-aalaga sayo. Wala kanang pamilyang babalikan. Tuturuan kita kung paano sila makalimutan. Tuturuan kita kung paano magmagic at tumawa ng malakas kahit sobrang malungkot kana. Gagawin din kitang payaso katulad ko.”

Tumatawa si Fargus sa loob-loob niya (kontrabidang tawa). Di gaya sa mga pelikulang napapanood natin palagi, for the first time, sa kwentong ito, may isang kontrabidang nagtagumpay.

And he lived happily ever after.

  1. strangebedtimestories posted this