Embrace

Illustration by: Dawnfire4
Tumatakbo ako at ang isipan ko,
Kasabay ng oras at maiksing panahon,
Paikot-ikot,
Papunta sa wala at pabalik sa aking kinatatayuan.
At tinanong ko ang sarili ko,
Habang nagwawala sa loob ng utak,
Saan ako pupunta?
Anong nangyayari sa mundo?
Nasusuka at nasasakal sa lahat ng bagay.
Nasasakal at nasusuka sa aking buhay.
…
Tumigil ako.
Nginitian ng isang hindi ko kilala,
Ngumiti ako at nagtanong:
Sino ka?
Lumapit siya sa akin,
Hinawakan ang aking mga kamay,
At sinabing:
Halika.
At ako’y nahalina.
Akala ko okey na.
…
Dinala niya ako sa isang masikip na sulok,
Maliit pero maaliwalas,
Madilim pero nakakaaliw.
Para bang nasa loob ng isang maliit na karton.
Pampalimot ng problema, sabi niya,
Sabay abot ng alak.
Alak pa.
Hithit ng sigarilyo.
Nagkwento ako.
Tahimik siya.
…
Kasabay ng galaw ng mga kamay ng relos,
Ay siya namang pag-ikot ng mabilis ng ulo ko.
Nasaan ako?
Anong nangyayari?
Nakapako ang katawan ko sa maduming kama niya,
Di ako makagalaw,
Habang naninikip ang dibdib sa mga titig niya.
…
Dumidilim lalo ang paligid ko.
Relaks ka lang,
Ang sabi niya.
Ayos lang yan.
Ngumiti, at tumalikod.
At sumigaw ako ng ayoko na,
Pero sa isipan ko lang pala.
Di ko marinig ang sarili ko.
…
Di makapalag, di makalaban.
Pumikit ako.
Nagdasal ng taimtim.
Hindi alam ang gagawin.
Anong ginagawa ko dito?
Anong ginagawa niya?
…
Maya-maya pa ay naramdaman ko na ang mga luha ko.
Walang imik.
Nakatitig sa bintana,
Na para bang unti-unting lumalayo sa akin.
Umiinit ang paligid namin.
…
Di ako makagalaw,
Para bang nakagapos sa sarili kong takot.
At siya naman ay nababalutan ng kababuyan.
Tuluyang nagdilim ang aking paningin.
…
Tumigil sa pagtakbo ang oras,
Nakatitig sa kisame.
Gustong kalimutan ang nangyari,
Pero pilit na minumulto,
Ng kasakiman ng mundo.
Pinagtatawanan ko ang sarili ko,
Dahil ako ay nadaya na naman ng tadhana.
…
Umiyak,
Sumigaw,
Magwala,
Maglasing,
Magtangka sa sarili,
Pagkatapos?
Ano na?
Paano na ako?
…
Araw-araw nililinisan ang sarili.
Araw-araw inaaliw ng mundo.
Nagkukunwari,
Tumatawa,
Nagpapalipas ng oras at panahon,
Umiiwas sa katotohanan.
…
Pero tuwing ako’y pumipikit,
O kaya ay bago ako matulog,
Ay paulit-ulit kong napapanood,
Sa likod ng aking mga mata,
Ang bawat galaw,
At nakakamuhing eksena
Noong gabing iyon,
Isang pinakamasakit na alaala.
Patuloy na nagtatago sa sarili kong multo.
…
Nagmamakaawa ako sa aking nakaraan,
Tama na.
Parang awa mo na.
Tigilan mo na ako.
Pagod na ako.
Patayin mo na ako.