Strange Bedtime Stories

Julijia Paradise

Illustration by: Emil Valdivia

Nahulog. Pumasok sa isang malaki at madilim na butas papunta sa kawalan. Mabilis siyang nahuhulog na para bang never-ending na ang pagbagsak niya.

Tapos bumagsak siya sa isang malambot na sahig, kala niya ay kama.

Biglang nagliwanag ang buong paligid niya at tila napakaswirly-swirl-swirl ng sahig na kanyang dinadaanan.

Hanggang sa nakaharap niya ang nag-iisang nilalang na nagsasalita sa tila other dimension na ito.

///

Bago pa nangyari ito ay masayang naglalakad at namamsyal ang bida nating si Julijia. Pagkatapos niyang gawin lahat ng utos ng mabait pero ubod ng tamad na tiyahin ay umalis kaagad siya sa napaka boring nilang bahay para makapamasyal sa pinakamalit na parke.

Bumili siya ng sorbetes at lobo at umupo sa isang lilim na sulok at pinanood ang mga taong dumadaan sa harapan niya. Yung ibang tao ay medyo naweweirduhan sa kakatitig niya. Pero wala siyang paki, dito siya masaya. Mas exciting ang pakiramdam na ito kesa sa maglinis ng bahay nila buong araw.

///

Bago pa man siya nakapagsalita ay inunahan na siya ni Angus.
Si Angus ay isang matandang bituin, at siya ang tanging nilalang na nakakapagsalita sa other dimension na iyon. Nakakatakot ang itsura niya. Sa unang tingin ay mukha siyang kalaban.
At iyon nga ang unang inakala ni Julijia.
“Sino ka? Nasaan ako? Anong ginagawa ko dito? Gusto ko na makauwi!!” tarantang pagkasabi ni Julijia.
“Iha, huwag kang sumigaw, magigising ang mga halaman at mga bulaklak sa paligid ko. Magigising mo sila. Ssshh..” sabi ni Angus.
“Sino ka?” tanong ni Julijia.
“Ako si Angus.” sabi ni Angus.
“Isa akong matandang bituin. Halata naman diba?” 
“Wooooh. Eh bakit ganyan itsura niyo? Pagtinitingnan ko ang mga bituin magaganda silang tingnan, e bakit po nakakatakot kayong tingnan?” tanong ni Juila.
“Mahabang kwento at wala ako sa mood para magkwento. Anong bang ginagawa mo dito? Paano kaba nakarating dito sa lugar ko?” tanong ni Angus.
…. tahimik na nag-isip si Julijia ….
“May nakita akong malaking salamin sa parke, parang bulok na salamin. Nanalamin ako tapos pagpikit ko lang ay hinigop na ako nito! Tapos nahulog ako sa isang malaki at madilim na butas na akala ko ay wala nang katapusan!” sabi ni Julijia.
“Aaah. Nakita mo pala ang mahiwagang salamin.” sabi ni Angus.
“Oo. Bakit naman kasi pakalat-kalat iyon?” tanong ni Julijia.
“Hindi ko rin alam Hija, matagal na akong nakakulong sa loob ng salaming ito, hindi ko na alam kung ano ang nangyayari sa tunay na mundo, sa labas ng salamin.” sabi ni Angus.
“Matagal na ho kayo dito? Gaano katagal? Di na rin ba ako makakalabas?” naiiyak na tanong ni Julijia.
“Sa totoo lang, nakalimutan ko na kung paano makalabas dito.” sabi ni Angus.

///

Si Julijia ay isang mabait na bata. Mabait siya pero kaunti lang ang mga kaibigan niya dahil di siya makalabas ng bahay lalo na kapag walang pasok. Nakikitira lang siya sa bahay ng kanyang tiyahin na ubod ng tamad. Kahit papaano ay mabait naman ang tiyahin niya pero wala ng ginawa kundi mag-utos ng kung ano-ano sa bahay. 

Magluto, maglinis, magwalis, mamalengke, magpaligo at magpakain sa baboy nilang si Godo, magdilig ng mga halaman, at iba pa. Eto ang mga kadalasan niyang ginagawa kung hindi naman siya nag-aaral o kaya’y nasa eskwelahan. Maayos naman umutos ang tiyahin niya kaya lang napakarami lagi. Hindi na naubusan ng iuutos.

Mababaw ang kaligayahan ni Julijia. Pinangako niya sa sarili niya na isang araw ay makakapamasyal din siya parkeng malapit sa kanila na matagal na niyang gustong puntahan. Kahit na luma ang parkeng ito ay gustong gusto niya itong puntahan dahil kahit medyo marami ang tao lagi ay may kakaibang katahimikan ito. Weird, sabi niya sa utak niya.

Minsan rin ay gusto nalang niyang iwanan ang tiyahin niya para matuto naman ng gawaing bahay. At para naman pumayat na at baka atakihin pa sa puso sa sobrang taba.

///

“Siguro lampas isang daang taon na rin ako dito sa loob ng salamin. Ako lang ang nagsasalita dito. Kapag may gustong sabihin ang ibang mga nilalang dito ay kumikislap lang sila at naiintindihan ko na kung anong gusto nilang sabihin.” sabi ni Angus.
“Nasaan ang pamilya mo?” tanong ni Julijia.
“Wala na sila. Namatay sila nung bata pa ako. Nasunog yung bahay namin sa kalawakan sa sobrang init ng araw. Naglalaro ako noon sa labas kaya di ako nasama sa sunog. Di sila nakalabas sa bahay namin.” salaysay ni Angus.
“At siyempre itatanong mo rin kung paano ako nakarating dito sa salaming ito, diba?” sabi ni Angus.
“Opo.” sagot ni Julijia.
“May nakita akong spaceship sa kalawakan. Naglaro ako tabi ng sasakyang iyon. Nahigop ako at dumikit sa labas ng sasakyang iyon nung paalis na sila. Hindi ko matanggal ang katawan ko sa sobrang bilis ng takbo nila kaya’t kumapit nalang ako at napadpad dito. Walang kakayahang lumipad ang mga bituin sa lupa kaya’t hindi na ako nakabalik ulit sa kalawakan.” sabi ni Angus.
Napaupo sa harapan ni Angus si Julijia, halatang interesado sa kwento na may halong takot sa kanyang mga mata. Takot dahil baka hindi na siya makauwi. Takot dahil nakakatakot ang itsura ni Angus, mukha siyang bakulaw.
“Isang gabi ay nagpunta ako sa isang para bang maliit na gubat (at naisip ni Julijia na iyon ay yung parke na ngayon) at nakakita ako ng kumikislap na bagay. Akala ko ay isa ring bituin. Nilapitan ko ito at kinausap. Hindi nagsalita. At ng tuluyan ko nang hawakan ay bigla akong nahigop papasok at nahulog sa isang malaki at madlim na butas na inakala ko ay wala ng katapusan. Yun pala mahabang biyahe lang pala patungo sa kawalan.” malungkot na sinalaysay ni Angus ang buong pangyayari.
“At simula noon ay hindi kana nakalabas?” tanong ni Julijia.
“Alam ko kung paano lumabas dito. Pero nakita ko’t naranasan ang magulong mundo sa labas ng salamin. Kaya’t pinili ko nalang tumira dito. Dito nagagawa ko ang kahit anong gusto ko ng walang nagsasabi sa akin kung iyon ay tama o mali dahil wala naman akong nasasaktang ibang nilalang. Minsan ay malungkot pero nababalewala ko ito dahil sa mga kasama ko ditong kumikinang. Sila ang nagpapasaya sa akin. Lahat ng kailangan ko ay nandito na.” sabi ni Angus.

///

Naalala ni Julijia ang tiyahin niya at kung paano ang buhay sa totoong mundo. Isang malaking BORING na salita ang unang pumasok sa isipan niya. Paulit-ulit lamang lahat ng gawain. Parang wala nang kabuhay-buhay ang buhay sa totoong mundo. Gusto niya namang maranasan ang tunay na ibig sabihin ng pagiging bata. Gusto niyang maglaro buong araw. 

Tumawa. Tumakbo. Kumanta. Sumayaw. Magpaulan nang di nagkakasakit. Kumain ng matatamis. Maglaro hangga’t sa gusto niya. Hangga’t kaya.

Napaisip siya. Mas gugustuhin ba niyang bumalik sa totoong mundo at ipagpatuloy ang lahat ng palagi niyang ginagawa at gawin lahat ng iyon kahit matanda na siya? Mas gugustuhin ba niyang maging katulong ng mabait pero ubod ng tamad na tiyahin niya? O mabuhay sa isang maliit na mundo sa loob ng salamin at mabuhay ng masaya, tahimik, kamangha-mangha at walang hanggan?

///

“Parang gusto ko na tumira dito, Angus!” sabi ni Julijia.
“Sasamahan kita para may kausap ka! At di ko na kailangan pang maglinis ng bahay, magluto, maghugas, at gumawa ng kahit anong nakakatamad! Dito nalang ako! Di ko na kailangang mag-aral! Maglalaro nalang ako kasama mo!” sabi ni Julijia.
“Hija, kailangan mong pag-isipan yang desisyon mo. Kapag sinabi mong ayaw mo nang bumalik sa totoong mundo ay mangyayari talaga iyon at wala nang bawian. Sigurado kaba?” tanong ni Angus.
…. tahimik ulit na nag-isip si Julijia ….
“Opo, sigurado na po ako. Sa totoo lang po wala na rin akong pamilya sa totoong mundo, katulad mo, namatay rin sila sa sunog noong bata pa ako. Konti lang ang mga kaibigan ko. Si Godo lang po talaga ang lagi kong nakakausap sa bahay pero kakatayin rin siya balang araw kaya iiwan rin niya ako.” sabi ni Julijia.
“Kailangan ay may makain akong isang bagay na galing sayo. Sa pamamagitan nito ay hindi kana magiging taga lupa. Siguraduhin mo hija na ito na talaga ang gusto mo.” babala ni Angus.
“Sigurado na po ako.” sabay iniabot ang kanyang dalang lobo. Kinain ito ni Angus. Nanlamig ang buong katawan ni Julijia. Nanikip ang dibdib niya at ilang saglit pa ay namanhid ang kanyang mga daliri. At pagkatapos nito ay may naramdaman siyang kakaibang kasiyahan.

///

Magdamag na naglaro at nagtawanan ang dalawa sa mundo ng kawalan. Libre ang lahat ng masasarap na pagkain na ni minsan ay hindi natikman ni Julijia sa totoo at boring na mundo. Naging matalik na magkaibigan ang dalawa, kasama ang mga bulaklak, halaman, mga puno, bato at iba pang kumikislap.

Madalas silang matulog sa mga ulap, lumangoy sa ilalim ng dagat at sumakay sa mga hot-air balloon na korteng seahorse o kaya ay jellyfish na kulay neon-rainbow colors.

Sa sobrang saya ni Julijia, nakalimutan na niya ang buhay niya sa totoong mundo pero kahit kailan ay hindi niya ito pinagsisihan. 

At sa totoong mundo ay namamaos na sa kakasigaw ang tiyahin niya. Nag-aantay sa labas ng bahay. Nagagalit na dahil gutom na gutom na siya’t wala pang hapunang hinanda ang pamangkin niya.

Ang hindi niya alam ay hindi na muling babalik pa si Julijia sa bahay. Wala na siyang mauutusan para paliguan at pakainin si Godo, wala nang maghuhugas ng mga plato, maglalaba, magluluto, maglilinis ng mga kwarto’t banyo, mamamalengke, at gagawa ng iba pang gawaing bahay o kung ano mang utos ang maisipan niya, Hindi lang niya alam kung gaano na kasaya si Julijia na sa wakas ay nakawala na siya sa isang mundong sa tingin niya ay walang patutunguhan at isang mas malaking kawalan.